Sunday, October 2, 2011

Ang Sipat sa Manunulat at teksto ni Dr. Emmanuel Gonzales

Ang  Sipat sa Manunulat at teksto: Isang Kritik ng Condomisyon na isinulat ni Dolores Taylan
Ni
Dr. Emmanuel S. Gonzales

Itinuring ng manunulat ang tekstong Condomisyon bilang personal niyang  sanaysay . Hinango ang pagpapahayag sa tunay na karanasan at damdamin ng manunulat ang sanaysay. Bawat pahayag ay kakikitaan ng matiim na damdamin ng pagkainis at pagkagalit na isang larawan ng  taong nasa estado ng pagkakaroon ng kunsomisyon. Buhay na buhay ang mga damdaming aking nabanggit habang binabasa ko ang teksto. Ang bigat ng damdamin ng manunulat ay matagumpay niyang naipasa sa akin sapagkat, ang pagkainis at pagkagalit sa developer ng condominium ay damang-dama ko at nais ko na rin ireklamo ang developer ng condominium na iyon at ayaw ko na ring bumili ng condomisyon.
Pangunahing layunin ng paninirahan sa condominium ang kaalwahan o kaginhawahan sa buhay subalit, kabaligtaran ang naranasan ng manunulat na isinakripisyo ang kanilang bahay sa Laguna sa pagkakaakalang ang nasabing condominium ay makapagbibigay ginhawa sa pang-araw-araw na buhay. Ang condomiminum  naging condomisyon dahil sa sira-sirang mga tubo na naging sanhi ng tagas at baha sa loob ng unit. Ang senaryong ito ay nagpapakita ng kasalimuutang sinuong ng manunulat sa paninirahan sa napapanahong uri ng pamumuhay sa condominium. Nabuo ang teksto at usapin na  ito sa gitna ng pagiging ina at asawa ng manunulat at gayundin sa pagiging babae ng manunulat.
Nagpakita ang manunulat bilang babae at ilaw ng tahanan ng kakayahang lutasin ang condomisyong kinasangkutan ng kanyang pamilya. Sa punto de vista ng isang peminista, naging malakas ang imahe nito sa paglaban sa kalikasan na likha ng condomisyon. Gayundin , ang laban din sa kapwa na imaheng binuhay ng administrador ng condomisyon. Bagama’t wala ang haligi ng tahanan ( ito ay nasa abroad)  pinatakbo ng manunulat ang kalutasan ng problema sa condomisyon ng may tatag at paninindigan na kaya niyang lutasin ito ng hindi siya susunod sa kagustuhan ng administrador ng condomisyon. Naipakita ng manunulat ang kanyang katalinuhan bilang may- ari ng unit nang ipaalam niya ang kanyang mga karapatan at maninidigan dito kahit pinayuhan na siya ng kanyang asawa na nasa malayong pook na payagan na ang nais ng administrador. Katalinuhan, paninindigan ang nanaig bilang babae pa rin ang namutawi sa kabuuan ng teksto.
Ang batayan sa pangangailangan ng pagbabago upang malayang mabuo ng babae ang kanyang sarili ay naipakita sa kanyang panitik. Niyugyog ng lakas-babae ang  teksto mula sa simula hanggang sa wakas nito. Matalisik na dinalirot ang kakanyahang pagkababae sa pamamagitan ng walang pagkiling nito sa panlipunang sipat sa lagay ng  kababihan sa tahanan, habang wala ang kanyang asawa na sandigan niya sa sandali ng pag-usbong ng mga suliranin kagaya ng condomisyon. Subalit, hindi nagpadaig ang manunulat sa panlipunang konseptong ito, na lalake ang nararapat humarap sa mga problema ng tahanan.
Naging prominente rin sa teksto ang kalayaan ng manunulat na ipaglaban ang karapatan nito na hindi magbayad sa mga gastusin sa pagkumpuni ng kanyang unit. Nagpakita ito ng impluwensya ng teoryang eksistensyalismo na kailangan niyang tanggapin ang mga panganib at responsibilidad upang masunod ang kanyang naisin saan man ito patungo. Pinatunayan niya ang pananaw na ito , nang ang manunulat ay hindi naikahon at hindi nahimay bilang tao kung kaya’t pinagawa ng administrador ang kanyangn unit ng hindi siya pumipirma sa kasunduang nais nito na bagama’t may naka ambang panganib sa kanyang anak.
Sa kabuuan, ang naratibong salaysay ay mahusay at may-puso sa bawat tunggalian ng tauhan sa sarili niya. Maituturing na kontemporaryong sanaysay ito na nagbigay inspirasyon sa mga kababaihan na harapin ang condominium na may dalang condomisyon sa manunulat bilang asawa, ina, at babae.                .                  

No comments:

Post a Comment